8. Paglago at Pagsunod (Spiritual Growth and Obedience) - Part 1
Ang kaligtasan ay hindi nagtatapos sa pagtanggap kay Kristo. Sa halip, ito ang simula ng buhay na may ugnayan sa Diyos—isang buhay ng paglago at pagsunod sa Kanyang kalooban.
Filipos 2:12–13 – MBBTAG12
[12] Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, [13] sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
[12] Therefore, my dear friends, as you have always obeyed—not only in my presence, but now much more in my absence—continue to work out your salvation with fear and trembling, [13] for it is God who works in you to will and to act in order to fulfill his good purpose.
Ang talatang ito ay hindi nangangahulugang “iligtas ang sarili,” kundi ipamuhay ang kaligtasang natanggap sa pamamagitan ng aktibong pagsunod sa Diyos, sa tulong ng Banal na Espiritu.
Ano ang mga dapat gawin sa paglago at pagsunod sa Panginoong Hesus?
1. Panalangin
Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan sa Diyos. Sa panalangin, tayo'y nagpapahayag ng pasasalamat, pagsamba, pagsisisi, at mga kahilingan. Sa tulong nito, lumalalim ang ating relasyon sa Diyos at nagiging sensitibo tayo sa Kanyang kalooban.
1 Tesalonica 5:17 – “Manalangin kayong walang patid.”
2. Pagbabasa at Pagninilay ng Salita ng Diyos
Ang Bibliya ay pagkain ng ating espiritu. Dito natin natutunan ang katotohanan, kalooban ng Diyos, at tamang pamumuhay.
Josue 1:8 – “Huwag mong kaliligtaan ang aklat ng kautusan... ngunit pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi...”
2 Timoteo 3:16–17 – “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran...”
3. Pagdalo sa Pagtitipon ng mga Mananampalataya
Ang pagsasama-sama ng mga Kristiyano ay hindi opsyonal, kundi mahalaga para sa pagsamba, pagtutulungan, pag-encourage, at pagkakaisa sa pananampalataya.
Hebreo 10:24–25 – “At isaalang-alang natin kung paano natin mahihikayat ang isa’t isa sa pag-ibig at mabubuting gawa. Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba...”
Sa pagtitipon, tayo ay napapalakas, natuturuan, at nakababahagi sa gawain ng iglesia.
Konklusyon:
Ang buhay Kristiyano ay hindi natatapos sa pagtanggap kay Hesus bilang Tagapagligtas—ito ay isang paglalakbay ng patuloy na paglago at pagsunod. Sa pamamagitan ng panalangin, pagbabasa ng Salita ng Diyos, at pagtitipon kasama ng kapwa mananampalataya, tayo ay pinalalakas sa ating pananampalataya at tinutulungan ng Banal na Espiritu upang maisabuhay ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang aktibong pagtugon sa biyaya ng kaligtasan—ito ay libreng kaloob ng Diyos, subalit kinakailangang isapamuhay natin ito.
Ang ating paglago ay hindi palaging madali, ngunit ito'y makabuluhan. Sa bawat hakbang ng pagsunod, mas lalo nating nakikilala ang Diyos, ang Kanyang katapatan, at ang Kanyang plano sa ating buhay.
Hamon:
Huwag kang panghinaan ng loob kung tila mabagal ang iyong paglago—ang mahalaga ay patuloy kang sumusunod. Ang Diyos ang kumikilos sa'yo. Patuloy kang manalangin, huwag mong kaligtaang basahin ang Kanyang Salita, at huwag mong ihiwalay ang iyong sarili sa kapwa mananampalataya.
Maging matatag. Maging masunurin. Magpatuloy.
“Sa pagsunod mo, doon mo tunay na mararanasan ang kaganapan ng buhay na walang hanggan.”