Ang buhay Kristiyano ay hindi natatapos sa pagtanggap kay Hesus bilang Tagapagligtas—ito ay isang paglalakbay ng patuloy na paglago at pagsunod. Sa pamamagitan nito tayo ay pinalalakas sa ating pananampalataya at tinutulungan ng Banal na Espiritu upang maisapamuhay ang kalooban ng Diyos. Ito ay isang aktibong pagtugon sa biyaya ng kaligtasan—ito ay libreng kaloob ng Diyos, subalit kinakailangang isapamuhay natin ito.
Ang ating paglago ay hindi palaging madali, ngunit ito'y makabuluhan. Sa bawat hakbang ng pagsunod, mas lalo nating nakikilala ang Diyos, ang Kanyang katapatan, at ang Kanyang plano sa ating buhay.
1. Pagkilala sa Kalagayan ng Tao (Conviction of Sin)
Ang lahat ng tao ay ipinanganak sa kasalanan at nahiwalay sa Diyos. Walang makapagliligtas sa sarili.
Roma 3:23 – “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”
Roma 6:23a – “Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan...”
2. Pagpapahayag ng Pag-ibig ng Diyos (God’s Grace and Love)
Sa kabila ng ating kasalanan, ipinadama ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang Anak upang mamatay para sa atin.
Roma 5:8 – “Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.”
Juan 3:16 – “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan...”
3. Pagsisisi at Pananampalataya (Repentance and Faith)
Tayo ay tinatawagan ng Diyos na magsisi—tumalikod sa kasalanan—at sumampalataya kay Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas.0
Gawa 3:19 – “Magsisi kayo at manumbalik sa Diyos upang pawiin ang inyong mga kasalanan...”
Efeso 2:8–9 – “Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya...”
4. Pagtanggap kay Kristo at Kaligtasan (Justification)
Kapag tinanggap natin si Kristo, tayo ay pinawalang-sala, pinatawad, at binigyan ng bagong buhay.
Juan 1:12 – “Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Diyos.”
Roma 5:1 – “Yamang tayo’y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya...”
5. Pag-aampon bilang Anak ng Diyos (Adoption)
Tayo ay hindi lamang iniligtas kundi inampon bilang mga anak ng Diyos. Mayroon tayong bagong pagkakakilanlan, karapatan, at pamana sa Kanya. Ayon sa Roma 8:15–17
“15 Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, ‘Ama, Ama ko!’
16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos.
17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo...”
Ang tao ay makasalanan at nahiwalay sa Diyos, ngunit ipinakita Niya ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo na namatay para sa atin. Tayo ay tinatawag na magsisi at sumampalataya kay Jesus bilang Tagapagligtas upang mapawalang-sala at magkaroon ng bagong buhay. Sa pagtanggap kay Cristo, tayo’y inampon bilang mga anak ng Diyos na may bagong pagkakakilanlan at pamana sa Kanya.
Mga katanungan para sa personal na pagbubulay-bulay.
1. Paano mo naranasan ang conviction of sin, at paano ka dinala nito sa repentance at faith kay Jesus?
2. Ano ang ibig sabihin ng grace, justification, at adoption ng Diyos sa iyong buhay, at paano nito binago ang iyong relationship sa Kanya?
3. Bilang anak ng Diyos, paano mo maipapakita sa araw-araw ang pasasalamat sa Kanyang pag-ibig at biyaya?